Bawat hakbang ng aking mga paa ay ang pagsabay ng kabog ng aking dibdib. Ang usok at init ay nakadagdag sa hirap ng paghinga dala ng di mawaring emosyong aking nararamdaman.
“Magugustuhan kaya niya ako? Ano kaya itsura niya sa personal?
Pinaghalong kaba at excitement ang nanaig sa akin sa una naming pagkikita. Iyon ang unang pagkakataon na pumayag akong makipagkita sa isang taong unang nakilala sa internet.
Internet?
Pamilyar hindi ba?
Masama yan di ba?
Eh ano ngayon?
Wala namang masama sa internet hook-ups. Ano ba namang kaibahan ng isang taong nakilala sa isang coffee shop, party, bar o kung saan mang lugar. Ganun talaga nagsisimula kung tutuusin hindi ba? Sa pagkakakilala… sa interaksyon…
“Mabait kaya siya? Malambing kaya talaga siya?”
Sa wakas at nakarating na din ako sa aming napiling tagpuan. Napili kong sa isang coffee shop sa may megamall na malapit lang sa opisinang aking pinapasukan. Nakapang-opisina pa din ako at inaayos ang aking sarili habang inaantay ang aking katagpo.
“Magugustuhan kaya niya ako? Di kaya maalangan siya sa akin? Di kaya masyado akong bata sa kanya? Sabagay walong taon lang naman ang agwat namin.”
Ilang minuto din ang lumipas at wala pa din dumarating kaya naisipan kong itext siya.
“Asan ka na po? nasa coffee shop na po ako. Nakabrown na polo”
“Sorry traffic eh, nasa MRT pa ako eh. Antayin mo ako ha? Nakapurple na shirt ako.”
Umorder muna ako ng kape at cake habang inaantay ko pa siya. DI magkamayaw ang aking mga kamay sa pag-aayos sa aking buhok at damit, tanda nang pagkakaba. Inilabas ko sandali ang librong binili nung isang araw para mawala nang kaunti ang tensyon.
Nang matuon ang atensyon ko sa binabasa eh biglang may tumapik sa aking balikat. Bahagyang napagitla sa pagkabigla ang naging reaksyon ng aking katawan. Paglingon ko eh siya pala na nakapurple na damit na nakangiti sa akin.
Katahimikan ang namagitan sa amin.
Tinitingnan ko siya at ganun din siya sa akin.
Hanggang di niya siguro natiis at bigla siyang nagsalita..
“ahhhhm.. Pasensya na ha? Umorder ka na ba?
“ok lang. nakaorder na ako eh.”
“tipid mo namang sumagot. Nadismaya ka ata sa itsura ko.”
“ah hindi.”
“talaga? Buti naman. Hehe. Tara nood tayo ng sine.”
Tinamaan ako bigla ng hiya at di umiimik habang naglalakad kami papunta ng cinema. Napansin siguro niya na tahimik ako kaya pilit niyang inuumpisahan na mapalagay ang loob ko.
“Mas cute ka pala sa personal. Mas bata din ang itsura mo. Kung di ka lang nakauniporme siguro magmumukha ka lang college student.”
“Hindi naman po.”
“Nahihiya ka sakin noh?”
“Ah, Medyo po.”
“Wag ka na mahiya sakin. Baka akala ng mga tao pinipilit kitang sumama sa akin at ireport ako sa pulis na kidnapper”
“Pasensya na po. Kinakabahan lang naman po ako kasi first time kong makipag-meet eh”
“Wag ka mag-alala. Ako bahala sayo.”
Nagpatuloy ang aming pag-uusap hanggang sa loob ng sinehan. Ang dami niyang inusisa sa akin gaya ng saan ako nag-aral, saang probinsya ako ipinanganak at kung ano-ano pa. Napapalagay na din ang loob ko sa kanya at tila nawawala na din ng paunti-unti ang hiya ko sa kanya. Di tumagal ay nagbibiruan na din kami, tanda ng nakakapalagayan na kami ng loob. Maasikaso siya at lagging tinatanong kung may kailangan o gusto ba ako tanda ng interes niya sa akin.
“Gusto ko na talaga siya at palagay ko ay mahuhulog ang loob ko sa kanya pag binigyan ng panahon at pagkakataon.”
Nang tumagal-tagal ang aming pinapanood ay inihilig niya ang ulo ko sa kanyang balikat na sa una ay ikinabigla ko. Pero di na ako tumanggi kasi sa totoo lang ay kinilig ako sa ginawa niya. Hanggang sa kalagitnaan ng palabas ay bigla niyang hinawakan ang kamay at pinisil-pisil pa ang palad ko. Napatingin ako sa kanya ngunit ang sinukli niya sa akin ay isang matamis na ngiti. Namula ako sa ginawa niya at di ko napigilang pisilin din ang palad niya. Hanggang matapos ang palabas ay para kaming magkasintahang magkahawak ng kamay.
Paglabas ng sinehan ay kumain muna kami.
“Tara sama ka. May pupuntahan tayo.”
“Saan naman?”
“Basta…”
Di na ako nakatanggi kasi nakatawag na siya ng taxi. Dinala niya ako sa isang kilalang pasyalan dito sa kamaynilaan.
Umupo kami sa isang bench sa isang maliit parke. Medyo kaunti na lang ang mga tao kasi medyo malalim na din ang gabi. Sabay sa saliw ng mga ilaw ay nag-usap na naman kami. Bigla niya akong tinanong nang…
“Tayo na ba?”
“Ha? Eh.. Ang bilis mo naman. Ligawan mo muna ako.” Patawa kong tugon
“Sige, nu ba dapat kong gawin? DI ko alam paano yung ganito eh. Hehe.”
“Di ko din alam eh. Hehe. Kaw na bahala. Teka, sigurado ka ba? Di naman ako ganun kagwapo eh”
“Di naman yun ang habol ko eh. Ang babaw naman nun. Tsaka ang cute mo kaya.”
“Di ako aso.”
“Kaw talaga. Hehe. So ano pano ba? Ano ba mga gusto mo? Teka nga pala, may regalo ako sayo.”
Sabay labas ng isang paper bag sa loob ng kanyang bag.
“Di ko alam kung ano ibibigay eh. Kaya eto muna” Isang stuffed toy na aso pala laman.
“Salamat. Pero bakit ganito? Hehe. Para naman tuloy akong babae.”
“Di mo gusto?”
“Di naman sa ganun. Ok na din to. Mahilig naman ako sa aso. Pero sana buhay. Joke. Hehe. Yun pala laman ng bag mong pagkalaki-laki. Hehe”
“Mahal ng aso eh. Di ko pa afford eh.”
“Eto naman, binibiro ka lang eh. Hehe”
Aaminin kong kinilig ako sa lahat ng ginawa niya ng araw na yon. Malakas ang pakiramdam kong napakasinsero ng pinapakita niyang interes sa akin.
“Gusto mo rin ba ako? Tanong niya
“Ligawan mo muna ako! Hehe”
“Ah oo nga pala.. Opo boss!”
Inihatid niya ako sa sakayan ng bus pauwi sa amin. Pagkaupo ko sa bus eh agad siyang tumawag.
“Ingat ka ha? I love you!”
“Ingat ka din..”
“Ay? Walang I love you too?”
“Pakipot muna ako. Ingat po!”
“wala man lang goodbye kiss? Love you. Sige ingat!”
Para akong batang may hawak na stuffed toy sa bus. Inaamoy-amoy ko pa kasi may pabango niya yon at pinangalanan ko pang “raj” yung aso.
Isa yun sa mga mangilan-ngilan na pagkakataong may nagparamdam sa akin na espesyal ako.
Natapos ang gabi ng aming unang pagkikita. Ang kaba na nakapinta sa mukha ko nung umaga ay napalitan ng mga ngiti hanggang sa aking pagtulog.