“Asan ka na Louis? Kanina pa ako naghihintay sayo ah.”
Pambungad kong bati sa kanya nang sagutin niya ang tawag ko.Ito ang unang Pasko namin bilang magkarelasyon at sa wakas eh dadalhin ko na siya sa bahay para makilala ang pamilya ko. Medyo natagalan din ako sa pagkumbinsi sa kanya na sumama sa akin pero dala na rin ng pangungulit eh napapayag ko din siya. Nakilala ko na mga magulang niya kaya gusto ko ding makilala din siya ng tatang at mamang ko sa probinsya.
“Kinakabahan talaga ako.” pagtatapat niya sa akin ng nagsimulang umandar ang bus na aming sinasakyan patungo sa probinsya namin.
“Ano ka ba. Wag ka masyado mataranta at baka mahalata pa nang pamilya ko na may relasyon tayo. Pakikilala lang kita bilang barkada.” Sagot ko sa kanya habang pinipisil ko ang kamay niya na nakatago sa jacket sa pagitan naming dalawa.
“Pasensya ka na ha? Komplikado ang “tayo”. Di ka pa sanay sa ganitong set-up”
“Ako nga dapat humingi ng pasensya… hindi pa kasi ako handa ipagtapat sa pamilya ko ang ganito”
“Tanggap ko naman yan eh. Naging honest ka naman sa akin na di ka pa handa. Ako din naman eh, tsaka ok na din sa akin to. At least wala masyadong nakikialam sa relationship natin”
Tanging ngiti lang ang naiganti ko sa kanyang mga sinabi. Ilang oras din ang byahe namin kaya nakatulog kami pareho at gaya ng dati hinayaan niya akong humiga sa lap niya. Hinihimas himas niya mukha ko at nakakatawa mang isipin na para akong asong himbing na natutulog ay gustong-gusto ko kapag ginagawa niya sa akin yun. Kapag naamoy ko mga kamay niya at nadarama ang mga palad niya sa aking balat ay may nadarama akong kilig sa loob-loob ko.
Madami na ang mga tao sa bahay ng makarating kami. Ang bahay kasi namin ang parang main house ng pamilya ng tatang ko kaya dito nagtitipon ang mga tita at tito ko pati mga pinsan ko kapag may okasyon lalo na pag Pasko.
Halatang kinakabahan si Louis habang kasabay kong nagmamano sa mga nakakatandang kamag-anak sa pamilya ko. Nang makarating kami kina mamang at tatang na abalang nag-aayos ng lamesa kaya hindi napansin ang aming pagdating ay inunahan ko na siyang ipakilala.
“Tang.. Mang.. Si Louis kaibigan ko po sa Maynila.” Nagmano siya agad na ikinatuwa naman ng mga magulang ko.
Kanya-kanyang kwentuhan sa hapag kainan habang kumakain at siyempre nakatuon ang atensyon ng mga magulang ko sa aking bisita. Natatawa ako sa itsura niya habang kinukwentuhan ng mga magulang ko..
“Pasensya ka na Louis anak at di kami sanay na nagdadala ng kaibigan itong anak namin dito sa bahay. Masyado kasing tahimik at mahiyain itong anak namin kaya di kami sigurado kung may nagiging kaibigan talaga itong lokong to. Akala nga namin may autism to nung bata pa eh kasi kahit anung pilit eh ayaw magsalita pag kinakausap ng ibang tao.”
“Hanggang ngayon din naman po ganyan yan eh. Kaya ang hirap magkasyota po eh”
“Ay oo, alam mo bang siya na nga mismo ang nililigawan ng mga nagkakagusto sa kanya eh. Natatawa na nga lang kami minsan na umuuwi yan na me dalang card, stuffed toy o chocolate.”
“Mang naman..” pagsasabad ko dahil nahihiya na din ako sa mga pinagkukuwento nila na lubha namang ikinatutuwa naman ni Louis. Tinitingnan pa ako na parang nanloloko habang pinakikinggan ang nanay ko.
“Humanda ka mamaya..” pabulong kong sinabi sa kanya sabay kurot ng bahagya sa tagiliran niya.
Masaya naman ako kasi mukhang kasundo naman niya mga magulang ko, yun nga lang kilala siya ngayon bilang kaibigan ko at di bilang taong minamahal ko.
Nilibot ko siya ng kaaunti sa lugar na kinalakhan ko. Maliit na bayan lang naman ang pinanggalingan ko kaya ok lang na lakarin. Dinala ko siya sa lumang simbahan sa amin at sa mga lugar na dati kong nililibot nung bata pa ako.
“Tara sakay tayo ng tricycle. Punta tayo sa paborito kong lugar.”
Dinala ko siya sa lumang sementeryo. Umupo kami sa ilalim ng isang lumang akasya na napapaligiran ng mga damo.
“Weird ka rin eh no.Bakit gusto mo dito?Baka saniban ka pa dito.haha” tanong niya sa akin
“Ewan ko.,, Dahil tahimik siguro at wala masyadong tao. Komportable ako dito eh.”
Ang dami na din ang nagbago sa lugar namin. Wala na ang mga bakanteng lote na dati ay pinaglalaruan ko nung bata pa ako. Pati ang lumang sementeryo ay iba na rin ang itsura. Ang iilang museleo noon ay halos parang squatter na din nagsulputan ngayon. Buti na lang at di nagalaw ang matandang akasya na naging lilim ko kapag pumupunta ako dito.
“Napansin kong wala ka atang barkadang pinapakilala sa akin dito.” Pag-uusisa nito sa akin
“Wala eh, taga ibang bayan mga barkada ko at halos lahat sila ay nakilala ko nung nagcollege na ako.”
“Ibig sabihin, mag-isa ka lang nagpupunta dito?”
“Kasama ko aso ko. Hehe.”
“Bakit di ka nakikipaglaro sa ibang mga bata sa inyo?”
“Nakikipaglaro din naman ako, kaya lang nakakasawa din kasi.. Tapos nang maghigh school na kami ay maaga din silang nagsipag-asawa, alam mo naman dito sa probinsya.”
“Nagka-gf/bf k aba nung high school ka?”
“Hindi eh.”
“Bakit? Di ba sabi nang nanay mo eh ikaw na nga nililigawan di ba?”
“Ayaw ko eh.”
“Ang choosy mo naman.Haha, ang gwapo mo ha.”
“Gago!” sagot ko at sabay batok ko sa kanya.
“Ang swerte ko pala kasi napapayag kita. Tsaka ako minahal mo?” pangisi nitong hirit sa akin.
Tanging ngiti lang naisagot ko sa kanya. Nabigla na lang ako ng maramdaman kong hinahawakan niya ang kamay ko at napatingin sa kanya.
“I love you,,” nabasa ko sa paggalaw ng mga labi niya.
“I love you too..” sagot ko sa kanya sabay ngiti at pagpisil sa kamay niya.
Ang saya-saya ng pakiramdam ko nang mga oras na yon. Para tuloy akong binatilyong unang beses na-inlovena kinikilig.
ABOUT THE AUTHOR
A man who never doubted the sun's intentions.
0 comments:
Post a Comment